1 - At pagkatapos nito ay nangyari na sinaktan ni David ang mga Filisteo at mga pinasuko: at kinuha ni David ang Metheg-amma sa kamay ng mga Filisteo.
2 - At kaniyang sinaktan ang Moab, at sinukat niya sila ng tali, na pinahiga sila sa lupa; at kaniyang sinukat ng dalawang tali upang patayin, at ng isang buong tali upang buhayin. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob.
3 - Sinaktan din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari sa Soba, habang siya'y yumayaon upang bawiin ang kaniyang pamumuno sa Ilog.
4 - At kinuha ni David sa kaniya ang isang libo at pitong daan na mangangabayo, at dalawang pung libo na naglalakad: at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karo, nguni't sa mga yaon ay nagtaan ng sa isang daang karo.
5 - At nang sumaklolo ang mga taga Siria sa Damasco kay Hadadezer na hari sa Soba, ay sinaktan ni David sa mga taga Siria ang dalawang pu't dalawang libong tao.
6 - Nang magkagayo'y naglagay si David ng mga pulutong sa Siria sa Damasco: at ang mga taga Siria ay nangaging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At pinapagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumaroon.
7 - At kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na nangasa lingkod ni Hadadezer, at dinala sa Jerusalem.
8 - At sa Beta at sa Berothai na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha ang haring si David ng lubhang maraming tanso.
9 - Nang mabalitaan ni Toi na hari sa Hamath na sinaktan ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,
10 - Sinugo nga ni Toi si Joram na kaniyang anak sa haring David, upang bumati sa kaniya, at upang purihin siya, sapagka't siya'y nakipagdigma laban kay Hadadezer at sinaktan niya siya: sapagka't si Hadadezer ay nagkaroon ng mga pakikipagbaka kay Toi. At nagdala si Joram ng mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at mga sisidlang tanso;
11 - Na itinalaga naman ni David sa Panginoon ang mga ito, na kasama ng pilak at ng ginto na kaniyang itinalaga na mula sa lahat ng mga bansa na kaniyang pinasuko;
12 - Sa Siria, at sa Moab, at sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo, at sa Amalec, at sa samsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.
13 - At nabantog si David nang siya'y bumalik na mula sa pagsakit sa mga taga Siria sa Libis na Alat, sa makatuwid baga'y sa labing walong libong lalake.
14 - At naglagay siya ng mga pulutong sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga pulutong, at ang lahat na Idumeo ay nangaging alipin ni David. At pinapagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumaroon.
15 - At naghari si David sa buong Israel; at iginawad ni David ang kahatulan at ang katuwiran sa kaniyang buong bayan.
16 - At si Joab na anak ni Sarvia ay nasa hukbo; at si Josaphat na anak ni Ahilud ay kasangguni:
17 - At si Sadoc na anak ni Ahitub at si Ahimelech na anak ni Abiathar ay mga saserdote; at si Seraia ay kalihim;
18 - At si Benahia na anak ni Joiada ay nasa mga Ceretheo at sa mga Peletheo; at ang mga anak ni David ay mga pangulong tagapangasiwa.